Isa na siguro sa pinakamahirap na sitwasyon na pwede mong maranasan ay ‘yong nahihirapan kang mag-move on mula sa isang tao, samantalang ‘yong taong nahihirapan kang alisin sa buhay mo ay nakapag-move on na pala ng tuluyan mula sa’yo at handa nang magmahal ulit ng bago. Kung iisipin mo, ang unfair ‘no? Mapapaisip ka’t mapapatanong, ‘Ganun na lang ba talaga ako kadaling kalimutan?’ o ‘Ganun ba talaga ako kadaling palitan?’ Hindi mo rin maiaalis sa sarili mo na itanong, ‘Minahal niya ba talaga ako?’ Hindi naman talaga natin maiiwasan ‘yong ganito, hirap na hirap kang alisin at kalimutan siya sa buhay mo, pero bakit para sa kanya, napakadaling gawin ito? Kaya tuloy akala mo, hindi ka niya minahal ng totoo. Katulad ng lahat ng bagay, kahit pag-ibig, minsan may katapusan, at wala kang magagawa kundi ang harapin ‘yon. Oo, alam kong mahirap at minsan, matagal. Pero ano’t ano ba ay darating ka rin sa puntong, makakapag-move on at makakapag-let go ka ng tuluyan mula sa kanya.

Pero bakit nga ba may mga taong sadyang mabilis para sa kanila ang mag-move on at mag-let go? Talaga nga bang mabilis para sa kanila ito o marunong lang talaga silang tumanggap ng katotohanang, natapos na ang lahat sa inyo? Naisip ko, oo nga ‘no, bago pala tayo magalit sa isang tao dahil sa akala nating mabilis silang makapag-move on, naitanong ba natin sa mga sarili natin kung ganun nga ba talaga ang nangyari o sadyang matalino lang sila para harapin ang totoo? Minsan kasi, nagagalit tayo doon sa taong ‘yon kapag nalaman nating nagmamahal na siya ulit. ‘Yon bang, nagsisimula na ulit siyang ngumiti, tumawa, at maging masaya. ‘Yon bang parang wala lang nangyari sa inyong dalawa. Sa totoo lang, sa panlabas lang naman ‘yon talaga. Siguro, kung papasukin mo ang kalooban ng taong ‘yon, malalaman mo rin kung gaano kasakit ‘yong naramdaman niya nung natapos kayong dalawa. Walang taong bato, kahit gaano man katigas ang ipakita nilang sila, ginagawa lang nila ‘yon para ipakita sa mundong matatag at matibay sila. Pero ang totoo, konti na lang at babagsak na sila, na kailangan nila ng masasandalan at tutulong sa kanilang tumayo muli at magsimula. Malas mo lang na sa mga oras na ‘yon, may isang taong andoon. 

‘Wag nating palaging isipin na may mga taong mabilis lumimot sa mga nangyari, ang totoo niyan, wala naman talaga. Mahirap kalimutan ang isang bagay kung alam mong minsan kang napasaya nito. Kung alam mong minsan mong minahal at naging importante siya sa’yo. Habangbuhay na sigurong magkakaroon ang taong ‘yon ng puwang sa puso mo. Kung nakita mo man isang araw na ang taong minsang minahal mo ay may mahal nang iba, hindi ibig sabihin ‘nun ay mabilis niyang nakalimutan ka. Marunong lang siyang tumanggap sa isang bagay na alam niyang walang maidudulot sa kanya kung patatagalin pa niya. Oo, mahirap at matagal talagang mag-move on, para sa iba at sadyang may mga taong mabilis lang ito para sa kanila. Pero kung iisipin natin, pinagdudugtong pa rin kayo ng isang katotohanan, na minsan niyong minahal ang bawat isa. Minsan na rin kayong naging parte ng bawat isa. Pareho kayong nagmahal, at pareho rin kayong nasaktan. May mga tao lang talaga sigurong marunong at mabilis silang tumanggap ng pagkatalo at may mga tao rin namang hirap silang gawin ito. 

Pero bali-baliktarin mo man ang mundo, hindi mo pa rin talaga maiaalis sa sarili mo ang tanong na, ‘Minahal niya ba talaga ako?’ o ‘Bakit ang bilis para sa kanyang kalimutan ako?’ Pero kung iisipin mo, hindi naman din ‘yan sa kung matagal o mabilis kang nakapag-move on. Sa huli pa rin naman ang pinakaimportante dyan ay ‘yong pareho kayong nagmahal ng totoo.

  1. andshewiiillbeloved reblogged this from amateurdreamer
  2. neshaislove reblogged this from amateurdreamer
  3. sarahpig reblogged this from amateurdreamer
  4. palitngpalit said: galing mo talaga pagdating sa mga ganito :)
  5. unappreciatedme reblogged this from amateurdreamer
  6. lexboomboomtsina reblogged this from amateurdreamer
  7. intelli reblogged this from amateurdreamer
  8. dalinggaidaily said: Ang galing mo magsulat.. Sapul! Boom!!!