Talaga nga palang, ‘Nasa huli ang pagsisisi.’ Minsan kasi, ‘yon bang nasa’yo na lahat ng panahon, pagkakataon at oportunidad, pero wala ka pa ring ginagawa para mapasa’yo talaga ang isang bagay o ang isang tao. Applicable naman ito sa lahat ng bagay pati na rin pagdating sa aspeto ng pag-ibig. Hanggang sa malalaman mo na lang, na dumating ka na pala sa puntong wala ka na talagang magagawa, kasi ‘yong chance na para sa’yo sana, pinalagpas mo na. Totoo nga talagang hindi mo pwedeng makuha ang lahat ng bagay, ibibigay ito sa tamang oras at panahon para sa’yo. At sa oras na ibigay ito sa’yo, grab that opportunity, seize that moment, kasi baka mamaya hindi na ito maulit at tuluyang mawala na sa’yo ang bagay o ang taong ‘yon. Tapos makikita mo na lang ang sarili mong, pinagsisisihan mo ang isang bagay na dapat sana’y ginawa mo.
Kung pwede lang talaga sanang ibalik ang oras at panahon, babalikan ko ‘yong moment na maayos pa ang lahat. At sa oras na makabalik ako doon, sisiguraduhin kong aayusin ko na. Sisiguraduhin kong I’ll take the risks, na kahit masaktan man ako, at least sinubukan ko. Tama siya, 2 years na ang nakalipas, at sa loob ng 2 years na ‘yon, hindi lang isang beses akong nagkaroon ng pagkakataon na gawin ko naman ‘yong part ko, pero sa mga pagkakataon na ‘yon, kahit isang beses, wala akong ginawa. Hindi siya nagkulang sa pagpaparamdam sa’kin na gusto niya rin ako, pero bakit parang naging manhid lang ako? Sabi nga niya sa’kin, ‘Palaging nasasakto na kaka-break ko lang sa tuwing magtatanong ka kung single ako.’, pero bakit kahit alam ko nang may chance na ako ulit, bakit kaya wala pa rin akong ginawa? Kung tutuusin, ako rin naman talaga ‘yong may kasalanan. Mahal ko ‘yong tao pero wala akong ginagawa para maiparamdam ko ‘yon sa kanya. Tama siya, ‘Effort’, ‘yon ang wala ako. ‘Yon ang kulang ko.
Sa isa sa mga pinakaimportanteng bagay pa talaga ako nagkulang. ‘Yong bagay na kailangang-kailangang makita ng isang tao para maiparamdam mo sa kanya ang pagmamahal mo. Tama siya, hindi naman siya nanghingi sa’kin ng kahit ano, hindi niya lang talaga makita sa’kin ‘yong ‘Effort’ na hinahanap niya at kinakailangan niya para maramdaman niyang mahal ko nga talaga siya. ‘Sayang.’, ‘yon na na lang ang salitang nasabi ko. Minsan kasi, sa sobrang dami nating idinadahilan, hindi natin alam na unti-unti ring nawawala ang chance mo na ‘yon. Dapat nga talaga, kapag may nagbukas na pintuan, pumasok ka kaagad dito. At kung makaligtaan mo ang nagbukas na pintuan na ‘yon, sabi nga nila, ‘A window opens.’ Another chance na naman ‘yon para sa’yo at siguraduhin mong, sa mga oras na ‘yon, ‘wag mo na ‘yong palampasin pa. Sa totoo lang, doon ako nagkamali. Ilang pintuan na ang nagbukas, ilang bintana na rin ang nagbukas, pero kahit ang sumilip man sa mga ‘yon, hindi ko ginawa.
Oo nga talaga, ‘Nasa huli ang pagsisisi’. Isang bagay din ang na-realize ko, talaga nga palang, malalaman mo ang halaga ng isang bagay o ng isang tao kapag nawala na siya sa’yo. Kung pwede lang talaga ibalik ang oras, kaya lang hindi, hindi pwede ‘yon. Siguro kaya ganun, para magtanda na rin tayo, para matuto tayo. Sabi ko nga sa kanya, ‘2 years man ang lumipas, pero walang nagbago sa nararamdaman ko.’ At sa loob ng 2 taon na ‘yon, wala ring nagbago, wala pa rin akong ka-effort-effort. Pero ipinangako ko sa sarili ko, na sa oras na magkaroon ako ulit pagkakataon, hindi ko na palalampasin pa ‘yon. Ilang beses ko na siyang hinayaan lang na mag-slip away sa buhay ko, at kung bibigyan ako ulit ng chance, hindi ko na hahayaang mawala pa siya ulit sa’kin. Hindi ko na papayagan ‘yon.




