Apat na taon na akong single, siguro naman, deserving naman akong magmahal at mahalin pabalik na ulit hindi ba? Apat na taon ko nang ipinahinga ang puso at utak ko, pero kahit ganun man, sa loob ng apat na tao na ‘yon, sinubukan ko pa rin namang magmahal at mahalin rin pabalik. Kaya lang, hindi ko alam kung bakit kahit ilang beses kong mang subukan, sadyang may mga bagay talagang hindi para sa’kin. Maaaring hindi tama ang oras, hindi tama ang lugar, hindi tama ang panahon, ‘Pero kailan nga ba pwedeng maging tama ang lahat?’ Tanong na palagi kong itinatanong sa aking sarili. Minsan, may isang taong nakapagsabi na sa’kin, na lahat ng bagay ay may dahilan kaya nangyayari ito. Siguro nga tama siya, kaya siguro hindi pwede sa ngayon kasi may tamang panahong nakalaan para sa’ming dalawa. Pero sino nga bang nakakaalam hindi ba? Oo, hindi nga pwede sa ngayon, pero kailan?
Sa loob ng apat na taon, na kahit sabihin ko sa inyong ipinahinga ko ang puso ko na magmahal, kasabay pa rin noon ang palagi kong paghiling na sana ipagkaloob na ‘Siya’ sa’kin. Na sana dumating na siya. Na sana, mahanap na niya ako at mahanap ko na rin siya. Oo, sabihin na nating may mga mangilan-ngilang dumating at inakala kong sila na, pero sa bandang huli, hindi pa rin pala. Ganun naman talaga minsan, ‘yong mga inaakala mong mga taong kukumpleto na pala sa’yo, maaaring sila pa pala ‘yong taong sisira, babasag at iiwan kang durog at pira-piraso. ‘Yon bang akala mong kukumpletuhin ka na, pero ang ginawa lang nila ay mas ginawang kulang ka. Tapos the search just goes on and on, tuloy ka pa rin sa paghahanap sa kanya. Oo, sabi nila, ‘wag mo itong hintayin, pero ang paniniwala ko naman kasi, kahit papaano, kailangan ka pa ring may gawin. Sa totoo lang, mas nakakapagod pa nga ang maghintay kesa sa may ginagawa ka hindi ba? Nakakapagod maghintay sa isang tao o bagay na hindi mo alam kung kailan darating. Samantala, kung may gagawin ka para dumating ito, hindi ba’t mas mabuti ‘yong ganun? Kasi nakakasigurado kang may mapapala ka, o ‘yong bang sa bandang huli ay may makukuha ka.
Oo, apat na taon na akong single. Masaya ba ako? Oo naman, masaya naman talagang maging single. Pero kahit ganun, may isang bahagi pa rin sa’kin na nagsasabing, ‘Kulang ka pa rin Rain.’ At kapag naririnig ko ‘yon, hindi ko maiwasang malungkot ako kahit papaano. Na oo nga ‘no, pwede pa pala talaga akong maging mas masaya. Kaya lang sa loob ng apat na taon na ‘yon, parang wala akong ginawa para maramdaman ko man lang ‘yon. Na pinili ko lang na maging masaya ako kesa sa piliin ko na maging mas masaya ako, kahit alam kong libre naman ‘yon at wala namang pumipigil sa’kin na gawin ‘yon. Siguro nga, it’s a matter of choices lang naman talaga. Ikaw ang gagawa at magdedesisyon ng mga bagay na mangyayari sa’yo at sa buhay mo. Wala namang mali sa mga pipiliin mong mangyari sa buhay mo, pero don’t settle sa alam mong ‘Okay lang’. Minsan kasi, may mas deserving pa para sa’yo, hindi mo lang ‘yon pinili kasi you were too busy focusing sa ibang bagay kaya tuloy, may mga mas importante kang bagay na nakakaligtaan.
Oo, minsan iniisip ko at hinihiling ko na sana ako naman ‘yong piliin, na ako naman ‘yong gustuhin at mahalin. Kaya lang, hindi naman ganun kadali ‘yon. May tamang oras para sa lahat ng bagay at kung kailan ‘yong akin? Mangyayari lang ‘yon sa tamang dahilan at sa tamang panahon.




