Ang hirap ma-in love sa isang kaibigan ‘no? Pero naisip ko, hindi naman ‘yong pagiging ‘In love’ mo sa kanya ang mahirap na phase doon. Kundi ‘yong puntong gusto mong kalimutan ang nararamdaman mo dahil sa mas gusto mong i-treasure ang pagkakaibigan niyo. Minsan, hindi naman talaga natin maiiwasan ang ma-fall sa isang kaibigan. Kung tutuusin nga, maraming nangyayaring ganito, nai-in love siya sa kaibigan niya. May mga moments din na hindi lang sa isang simpleng kaibigan tayo nagkakagusto, paano kaya kung sa mismong bestfriend mo? Gaya nga ng palaging sinasabi nila, na kung magkakagusto ka man, pinakamaganda na siguro ay sa bestfriend mo. Oo nga naman, tama nga naman sila. Ang bestfriend naman kasi, more than friends pero less than lovers, hindi ba? Kungbaga, isang hakbang na lang, ‘yon na ‘yon.
Pero ang pinakapunto ko sa sulat kong ito ay kapag dumating ka sa oras na, oo nga’t nararamdaman mong nagkakagusto ka na sa kaibigan mo pero ayaw mo siyang mawala kasi mas mahalaga sa inyo ang pagkakaibigan niyo. Minsan tayo ‘yong tipong pinapahalagahan at kuntento na sa kung anong meron, kesa naman sa mag-take ng risk at mag-suffer pa ang friendship na meron kayo. Ang problema nga lang sa ganito, mas mahirap na gawin ‘yon kesa sa ma-in love ka lang sa kaibigan mo. Mahirap pigilan ang totoong nararamdaman lalo pa’t kaibigan mo, kasama mo at karamay mo sa bawat araw ng buhay mo. ‘Yon bang ayan lang siya, halos abot-kamay mo na. Ilang beses ko nang naranasan ‘to, na halos araw-araw na lang ata nangyayari sa’kin ito. Ang hirap magpigil ng nararamdaman, sa totoo lang. Pero kung ayaw mo talaga siyang mawala, siguro ‘yon din naman ang gagawin mo. Mapapasabi ka na lang sa sarili mo, ‘Mas okay na ‘yong ganito, kesa naman sa mawala pa siya.’ Hanggang sa ayun, isang malaking sakripisyo ang bawat araw para sa’yo dahil sa pagpipigil mo sa totoong nararamdaman mo.
Isa sa mga nakakasira ng pagkakaibigan ay kapag dumating ka na sa puntong may maramdaman kang higit pa sa kaibigan. May mga iba sa’tin na matapang na harapin at ipagtapat ang katotohanan. May iba naman na masaya na at itatago na lang nila sa sarili nila ang nararamdaman nila. Kung ako ang tatanungin niyo, I swing both sides. Minsan, hinaharap ko at ipinagtatapat ko ang katotohanan. Minsan rin naman, ako ‘yong tipong itinatago ko na lang. Depende naman rin ‘yon sa tao. Kapag alam kong siya ‘yong tipong hindi makitid ang utak at bukas ang isipan sa mga bagay-bagay, magiging matapang akong sabihin sa kanya ang nararamdaman ko. Pero kapag siya ‘yong kaibigan kong medyo pakiramdam ko ay may tendency na umiwas o lumayo, hahayaan kong sa’kin na lang ‘yon. Itatago ko na lang at pipilitin kong kalimutan ang nararamdaman ko, sa kadahilanang mas mahalaga siya bilang kaibigan para sa’kin. Lahat talaga gagawin natin ‘wag lang mawala ‘yong taong mahalaga sa’tin. Na kahit sarili nating kaligayahan, kakalimutan natin ‘wag lang siyang lumayo o mawala. Pero naisip ko lang, na kaya lang natin ginagawa minsan ang ganito, ang pigilan ang nararamdaman natin para lang mai-treasure ang pagkakaibigan niyo ay dahil sa alam mo sa sarili mo na mas pinipili mo lang ang isang relasyon kung saan kayo magtatagal talaga. Na kahit hindi man kayo, andyan pa rin siya, nasa tabi mo.




