Ang respeto, hindi ini-impose. Ini-earn ‘yan. — Bea Saw, PBB Season 2

Marahil isa na siguro ito sa mga salitang binitawan na tumatak sa’ting lahat. Tama nga naman si Bea ‘nung sinabi niya ang mga salitang ito. Kung gusto mong i-respeto ka nang iba, kailangan munang manggaling ang respeto sa’yo. Pero bakit ko nga ba naibabahagi sa inyo ito ngayon? Konektado ito sa nangyari sa’kin kaninang umaga. Nasa post na ito. Pagkagaling ko sa party ng isang kaibigan, ako at ilan sa’min ay dumirecho sa SM Fairview para magpalipas oras. ‘Nung oras na humiwalay na ako sa kanila, napagpasyahan kong maglibot-libot muna. Maraming tao sa SM kanina, shoulder to shoulder. Hanggang sa mapag-alaman kong, extended pala ang sale sa SM hanggang January 15. Kaya pala, kaya pala maraming tao. Hindi na rin naman ako natutuwa sa mga oras na ‘yon, kasi nga maraming tao at inaantok na rin naman talaga ako. Nang maalala kong may kailangan pa pala akong bilhin. ‘Yong kailangan kong bilhin ay nasa 2nd floor, kaya kinakailangan kong mag-escalator

Dahil nga sa maraming tao, ang pagsakay sa escalator ay pahirapan din. ‘Yon bang, may katabi ka, kalikod at kaharap. Kungbaga, okupado ang bawat espasyo sa puwesto mo. Sumakay ako ng escalator, at ‘nung sa punto nang malapit nang makarating sa pinakataas ‘yong escalator, bigla akong itinulak ‘nung nasa likuran ko. At ‘pag sinabi kong ‘itinulak’, itinulak talaga. ‘Yon bang halos madapa na ako sa pagkakatulak niya sa’kin. Sabay nang pagtulak na ‘yon ay may narinig akong mga salitang sinabi niya, ‘Nasisiksik ako.’, sa paraang pasigaw. ’Nung maayos ko na ang sarili ko, lumingon ako para tingnan ko kung sino ang Poncio Pilatong tumulak sa’kin. Alam niyo ba, isa siyang matandang babae na may dalang payong. Kaya pala parang may tumusok din sa’kin ‘nung itinulak niya ako. Sa paglingon ko na ‘yon, tinitigan ko siya ng masama, umirap at naglakad papalayo. Bastos ba ako sa ginawa ko? Pero sino kayang mas bastos at walang respeto? 

Okay, whoa. Hold up ladies. You don’t get a bitch pass just ‘cause you’re old. — Max Black, 2 Broke Girls

See the quote above? Isa ‘yan sa mga masasabi kong pinakatamang sinabi ni Max (Kat Dennings) sa American sitcom na 2 Broke Girls. Hindi dahil sa matanda ka na, o senior citizen ka na, ay kailangang makuha mo na lahat ng respeto sa mundo. Irerespeto kita, kung marunong ka lang ding rumispeto. Para sa’kin, pantay-pantay lang dapat. Kahit matanda ka na, kung bastos at walang modo ka naman, hindi ka karapat-dapat na irespeto. Sa totoo lang, buti na lang at kahit papaano, nakapagpigil ako kanina. Matanda, kaya sige, pagbibigyan kita ngayon. Mabait pa rin nga ako sa totoo lang, kasi kung hindi, baka naihampas ko na sa kanya ‘yong payong na dala niya. Nataon pa man ding, medyo iritable na rin ‘yong mood ko kanina. Tayo kasi ‘yong tipo na basta matanda kailangang ibigay ang paggalang kahit ‘yong ugali naman nila ay magaspang. Siguro, marunong lang talaga akong lumaban at ipaglaban kung ano ‘yong sa tingin kong tama. Hindi ‘yong kung ano ang itinuro sa’ting tama. Sa lahat ng bagay naman, hindi ba dapat, give and take? Katulad na lang sa pagmamahalan, sa isang relasyon. Hindi naman pwedeng isa nang isa lang ‘yong nagbibigay at ‘yong isa naman ay tanggap lang nang tanggap. 2 way street dapat, may papunta at may pabalik.

Ini-earn ang respeto, alam nating lahat ‘yan. Kaya lang, papaano mo nga ba makakamtan ito kung hindi ka naman marunong rumispeto? Oo nga’t alam nating lahat na ini-earn ito, pero hindi ba’t mas mabuti kung sa’yo muna manggaling pagrespeto?