Ang hirap talagang magkagusto sa isang taong sweet. Kung hindi naman sweet, ‘yong mabait, maalaga at thoughtful. Ako pa naman ‘yong tipong, madaling ma-fall, kaya ‘yon sa bandang huli, talo ako palagi. Paano ba naman, hindi ko mapigilan. Hindi ko mapigilang magkagusto sa kanya kasi nga sa mga ipinapakita niya. Pero bakit ko nga ba nasabing mahirap magkagusto sa isang taong ganito? Kasi, hindi mo alam kung may nararamdaman na din ba siya o sadyang ganun lang talaga siya, kahit na sa iba. Ayaw mo naman siguro malaman na kapag in love na in love ka na sa kanya, may magsasabi sa’yong, ‘Bakit mo siya nagustuhan? Sadyang sweet lang naman talaga siya.’ And there goes your dreams to be with that someone, shattered into pieces. Ang nakakainis lang kasi, hindi mo naman pwedeng itanong sa taong ‘yon kung ganun lang ba talaga siya kahit na sa iba. Siguro kailangan na lang nating tandaan na ang pag-ibig ay isang laro, unang ma-in love, talo.

Minsan, ayoko na rin. Ayoko nang maka-encounter pa ng mga taong ganito. Dalang-dala na ako. I’ve learned my lesson na kungbaga. Paulit-ulit na lang kasi. May makikilala ako, tapos sa bandang huli, ako pa rin ‘yong talo. Pero minsan, mahirap talagang tumakas, tumakbo at magtago sa ganitong sitwasyon. Hindi ka makakaiwas kahit ano pang gawin mo. Sa sampung tao na makilala mo, 9 doon, sigurado akong ganito. Sa panahon na rin naman kasi ngayon, matalino na tayo pagdating sa aspeto ng pag-ibig. Hindi na tayo masyadong tumitingin sa panlabas na anyo. Ugali’t personalidad na ang mahalaga para sa’tin. Kaya minsan, kahit hindi ganun kagwapuhan at kagandahan, nagkakagusto tayo kaagad. Pero kung parehong nagsama ito sa iisang tao, pakiramdam mo naka-jackpot ka na, hindi ba? Kaya lang kasi minsan, hindi natin alam na hindi naman sa pagiging pa-fall at paasa, kundi sadyang ganito lang sila. Sabi nga nila, ‘Maraming namamatay sa maling akala.’ At dahil doon, pwedeng marami nang patay ngayon dahil sa pag-aakalang mahal ka rin talaga nila pero ang totoo, sadyang ‘friendly’ lang naman pala sila.

Ang hirap mag-ingat lalo pa’t alam mong gustong-gusto mo ang pakiramdam na ito. Kaya minsan, tinatanong ko ang sarili ko, ‘Natuto na ba talaga ako?’ Kasi kahit anong gawin ko, nangyayari’t nangyayari pa rin. ‘Yong para bang isa na ‘to sa mga parte ng buhay ko. Ang akalaing may gusto rin sa’kin ang taong ‘yon kahit mabait, sweet at caring lang naman din siya sa kahit kanino. Tanga ba ako? Hindi naman siguro. Hindi ko din naman kasalanan kung akalain kong may gusto siya sa’kin kung sakaling mapansin kong may nagbago sa dating turingan namin na sa pagiging magkaibigan lang talaga nag-umpisa. Pero ano nga bang magagawa mo kung ‘yon ang nararamdaman mo? Kung sinasabi ng puso mong siya na ang sa tingin niyang para sa’yo? Ano ba naman ‘yong subukan mo. Anong malay mo, kung sweet siya sa lahat ng tao, baka sa’yo maging totoo. ‘Yong inaakala mong ginagawa niya rin sa iba, pero ‘nung makilala ka niya, sa’yo na lang at wala nang iba. Oo, mahirap naman talagang magkagusto sa taong sweet, lalo pa’t malalaman mong sadyang ugali lang pala talaga niya ito. Pero kahit ganun naman, kahit alam mo na sa bandang huli ay pwede kang matalo, ano ba naman ‘yong kahit minsan, sinubukan mo?