Naisip ko lang, minsan mas mabuti pa nga ‘yong walang commitment. ‘Yong walang ‘kayo’, walang label. ‘Yong hindi man ‘In a relationship’ ang status niyo, pero alam niyo sa isa’t isang nagmamahalan kayo. ‘Yon bang tama at sapat lang sa lahat ng bagay. Tamang ‘kilig’, tamang ngiti, tamang texts at tawagan, tamang hindi ka makatulog sa gabi at makakain nang dahil sa kakaisip sa kanya, tamang daydreaming, at kung ano-ano pang tamang pwede mong magawa dahil sa alam mong may itinuturing kang ‘Special someone’. Hindi ba’t masaya naman ang ganito? Parang ganun na rin naman kasi, wala nga lang ‘yong ‘kayo’ factor na hinahanap at alam kong gusto mo. Kung ako ang tatanungin niyo, para sa’kin, mabuti na rin ‘yong ganito. Wala na rin namang pinagkaiba sa the ‘real thing’, hindi ba? Pero kahit ganun, hindi mo pa rin maiiwasan na maisip na kahit papaano, may kulang. ‘Almost there’ na, pero bakit hindi mo pa rin maabot ‘yong peak na ‘yon? Oo, masaya naman kung tutuusin ‘yong ganito, pero hanggang kailan? Makukuntento ka na lang ba kahit alam mong may mas pwede pa?
Oo, walang commitment pero parang ‘kayo’. Pero kasabay ng pagkakaroon ng walang commitment na ‘yon sa isa’t isa, ay ang pagkakaroon rin naman ng walang karapatan sa mga bagay-bagay, hindi ba? Alam mong may feelings, alam mong may something, pero may limitasyon pa rin. May mga bagay na hindi mo pwedeng gawin. Hindi ka pwedeng magalit, o isumbat ang mga bagay-bagay sa kanya kasi nga, hindi kayo. Pwede kang magselos pero hindi mo kailangang ipaalam sa kanya, ang gawin mo, ay sarilinin at tiisin na lang ito. Hindi ka pwedeng masyadong mag-demand kasi may limitasyon pa rin sa mga bawat galaw niyo. Pwedeng maging sweet sa bawat isa, pero hanggang saan nga lang ba? ‘Wag masyadong tumawag at mag-text kasi baka dumating sa puntong nakakasakal na. Oo, minsan mabuti rin naman talaga kahit ‘yong walang commitment kayo sa isa’t isa at wala ‘yong ‘kayo’ na label, pero hindi ba’t ang hirap minsan gumalaw kasi alam mong kahit ‘parang’ kayo, ang katotohanan ay hindi pa rin kayo. Ayaw mo naman sigurong dumating pa sa puntong kapag nasobrahan ka na at lumampas ka sa linya ay tanungin ka niya ng, ‘Bakit ganyan ka? Hindi naman tayo diba.’
Sa totoo lang, kuntento na naman ako sa ganito. ‘Parang ganun na rin naman kasi, hindi ba?’, ‘yan naman palagi ang bukambibig ng kahit sino man ang nasa ganitong sitwasyon, at isa na ako doon. Pero kagaya ko, sigurado akong sa loob-loob din nila ay hinihiling rin nila na sana totoo na lang ang lahat. ‘Yon bang maabot niyo ang ‘kayo’ state na pinakamimithi niyo. Isang hakbang na lang naman din kung tutuusin, pero bakit walang matapang para i-take ang risk at humakbang papaharap? Ayaw din naman natin siguro na palagi na lang natin na itatago kung ano man ‘yong mga totoo nating nararamdaman, hindi ba? Na kapag galit tayo, naiinis tayo, kinikilig tayo, masaya tayo, nagseselos tayo at kung ano-ano pa ay walang pipigil sa’tin na mga boundaries para sabihin natin ng diretso sa taong ‘yon kung ano talaga ang mga totoong nilalaman ng damdamin natin. ‘Wag tayong mag-settle sa ‘Parang ganun na rin naman’ state sa mga buhay natin, lalo pa’t kung alam natin na mahal na mahal natin ang taong ‘yon. Hindi mo naman kasi maibibigay ‘yong 100% mo, kulang pa rin, hindi kumpleto. Oo, minsan, mabuti na rin naman ‘yong kahit wala kayong commitment pero parang kayo. Pero hanggang doon na lang ba palagi ang gusto mo, kahit alam mo sa sarili mong mahal mo siya, pero sa ‘parang’ ka na lang ba talaga makukuntento?




