‘Ano pa bang kulang?’, tanong ko ito sa sarili ko sa totoo lang. Ano pa nga bang kulang, kung alam ko namang ibinigay ko na ang lahat? Saan nga ba ako nagkulang? Saan nga ba ako nagkamali? Saan nga ba ako hindi naging sapat? Lahat naman tayo, dumadating sa puntong halos ang baba-baba na ng tingin natin, sa mga sarili natin. Lalo na, pagdating sa aspeto ng pag-ibig. Magkakagusto ka sa isang tao, gagawin mo ang lahat para lang magustuhan ka rin niya pabalik, pero sa bandang huli, lahat ng ginawa mo ay mapupunta pa rin lang sa wala. Minsan naman, kapag kayo na o nasa isang relasyon ka na, ‘yon bang ginagawa mo ang lahat para sa taong mahal mo, ibinibigay mo na pati ang buhay mo, pero bakit minsan, para sa kanya, hindi pa rin ‘yon sapat? ‘Yon bang kulang pa rin. Minsan iniisip ko, ano nga ba talagang mali? May pagkukulang nga ba talaga ako o sadyang may mga tao lang talagang hindi makuntento?
‘Ano pa bang kulang?’, mga salitang maaari nating itanong sa isang tao sa oras na mapagdesisyunan niyang umalis sa buhay mo. Tanong na maitatanong mo sa sarili mo sa oras na iwanan ka ng mga taong itinuturing mong mahalaga para sa’yo. Pero bakit nga ba minsan, umaalis pa rin sila kahit alam mo naman sa sarili mong hindi ka naman nagkulang at halos ibinigay mo naman na ang lahat sa kanila, hindi ba? ‘We can’t please everyone.’, gaya nga ng sinasabi nila. Maaaring ang sapat na para sa’yo ay kulang pa rin para sa kanila. Katulad na lang pagdating sa pagbibigay ng pagmamahal mo para sa isang tao o mismong ikaw bilang tao. Oo, alam naman natin na hindi pwedeng turuan ang puso na magmahal, at hindi rin naman natin sila mapipilit na mahalin nila tayo pabalik. Pero kung alam mo namang ginawa mo na ang lahat at sa bandang huli ay hindi ka pa rin kayang mahalin, hindi naman siguro masama kung maitanong mo sa sarili mong, ‘Ano pa bang kulang?’ Gaya rin naman sa isang pagsasama o sa dalawang taong nagmamahalan na talaga, hindi mo rin naman siguro mapipigilang itanong ito. Na kahit na sa likod ng lahat ng ginagawa at ibinibigay mo, ay nakuha pa rin niyang iwan ka at maghanap ng iba. Hindi ba’t sa mga oras na ‘yon, tanging ito na lang ang masasabi mo sa sarili mo kapag mag-isa ka na?
‘Ano pa bang kulang?’, ano nga ba talaga? Isang tanong na kahit ikaw o kahit siya mismo ay hindi rin naman masasagot, hindi ba? Ang masakit lang minsan ay ‘yong masaya kayo ngayon tapos bukas, biglang nag-iba na. Nakakababa lang bilang tao kapag nalaman mong hindi ka pa rin pala sapat para sa kanya. Na ang daming kulang pa rin sa’yo at nahanap pa niya ‘yon sa iba. Minsan talaga, unfair ang mundo. Hindi mo naman kasi pwedeng taglayin lahat ang hinahanap at gusto ng isang tao. Pero hindi naman kasi ganun ang tunay na nagmamahal, hindi ba? Marami ka mang pagkukulang, may mga katangian mang wala sa’yo na meron sa iba, kung talagang mahal ka niya, matututo siyang makuntento dahil sa ikaw naman talaga ang minahal niya. Ang mahirap lang talaga minsan ay ‘yong sa oras na matukso tayo, ‘yong hindi tayo marunong makuntento, ‘yong makahanap tayo ng butas sa isang tao at mahanap natin ‘yon sa ibang tao. Ang sa’kin lang naman, marami man akong pagkukulang, hindi man ako kumpleto, pero hindi ba’t ikaw, ‘yong taong magmamahal sa’kin ang dapat na bumuo sa pagkatao ko? At ako, ‘yong taong nagmamahal sa’yo, ‘yong dapat bumuo rin at sayo’y kumupleto. Hindi ba’t sa ganung paraan, hindi na natin kailangan pang hanapin kung ano nga ba talaga ang kulang?




