Ayoko nang magkagusto pa ulit sa isang kaibigan, o sa isang bagong kaibigan. Kung hindi man kaibigan, ‘yon bang taong bagong pasok lang sa buhay ko. Ang hirap, sa totoo lang. Oo nga’t alam nating lahat na ito ang pinakamasarap at pinakamasasabing dapat, ang magkagusto’t mahalin ang isang kaibigan, pero ito rin ang pinakamasakit sa lahat. Ang pag-ibig pa naman, mahirap pigilan. Mahirap itago, mahirap ikubli. Lalo pa’t sa mismong kaibigan mo ito mararamdaman. Taong palagi andyan, palagi mong nakakausap, palagi mong nakikita, palagi mong kasama. Kaya ang isang simpleng pagtingin lang at pagkagusto, sa paglipas ng araw, nagiging malalim, nagiging seryoso. Ako pa naman ‘yong taong madaling ma-fall, madaling ma-in love. Kaya ‘yon, sa bandang huli, palaging luhaan, palaging nasasaktan. Pero hindi ko rin naman masisisi ang sarili ko, kung palagi man akong nagkakagusto sa mga kaibigan ko. Saan nga ba nagsisimula ang isang magandang pagsasama, sa pagiging magkaibigan muna, hindi ba?
‘Rain, pigilan mo. Bawal kang magkagusto sa kanya, okay?’, mga salitang palagi kong sinasabi sa sarili ko sa tuwing mararamdaman kong nahuhulog na naman ang damdamin ko para sa isang kaibigan. Hindi naman sa ayaw ko, sabihin na nating, alam ko lang ang mga limitasyon at kung hanggang saan lang dapat talaga. Palagi nilang sinasabi na kung magkakagusto ka sa isang tao, sa isang kaibigan na siguro ang pinakadapat, minsan nga sinasabi pa nila na sa sarili mong bestfriend, hindi ba? Oo nga naman, kapag kaibigan mo kasi, kilala mo na at kilala ka na rin niya. You’re just going to go a notch higher kung ano mang relasyon ang mayroon kayo ngayon. Pero kahit ito man ang pinakadapat, ito pa rin ang masasabi kong pinakamasakit. Sabihin na nating, sadyang may mga bagay lang na mahirap lang maibalik sa dati. Andyan ‘yong ilangan, ‘yong iwasan, ‘yong mga simpleng awkward moments na maaaring magkaroon sa pagitan ninyong dalawa. Pero naisip ko, oo nga pala’t friends kayo. Kung talagang kaibigan ka niya, maiintindihan ka naman siguro niya, hindi ba? Feelings ‘yon, mahirap balewalain, mahirap pigilan.
Pero kahit anong pagpapaalala ko sa sarili kong, ayaw ko nang magkagusto pa sa mga kaibigan ko, wala naman akong magawa. Pag-ibig na siguro ang emosyong kahit anong pigil ang gawin mo, sa bandang huli, ikaw pa rin ang talo. It’ll eat you up, leaving you defenseless. Kaya ko nga nasabing pinakamasakit, hindi ba? Kahit ayaw mo, hahayaan mo na lang. Pwedeng itago, pwedeng sarilinin. Pero, wala rin naman kasing lihim na hindi nabubunyag, gaya nga ng palagi nilang sinasabi sa’tin. Ano’t ano ba ay malalaman rin niya ang totoo, na may nararamdaman ka para sa kanya. Sa oras na mangyari ‘yon, handa ka nga ba talaga sa reaksyon niya? Pagod na at nagsasawa na akong marinig ang mga salitang, ‘Rain, magkaibigan lang talaga tayo.’ Kaya masisisi niyo ba ako kung ayawan ko man ang pakiramdam na ito para sa mga kaibigan ko? Pero naisip ko, paano nga kung gusto niya rin pala ako? Na ‘yong inaayawang kong pakiramdam, ay ‘yon pa pala ang pwede bumuo sa’kin at kumumpleto. Na sana pala, naging matapang ako at sinubukan ko. Oo nga’t minsan, mahirap na talagang mahulog para sa isang kaibigan. Gayunpaman, masasabi kong hindi naman masama kung susubukan mo. Kaibigan mo siya, kahit ano pa mang feelings ang maramdaman mo, hindi ba’t nag-promise kayo sa isa’t isa na, ‘Count on me through thick and thin, a friendship that will never end…’, gaya nga ng sabi sa isang kanta.




