Naisip ko lang, ang hirap pala talagang magkagusto ng seryoso sa dalawang tao ng sabay. ‘Yun bang, kaya mo pareho silang nagustuhan kasi may katangian yung isa na wala dun sa isa. Hirap ‘no? Ito yung mga pagkakataon na sigurado akong hinihiling mo na sana dalawa ang puso mo, na sana pwede mo sila talagang sabay na mahalin. Kaya lang, isa lang naman ang puso. Ibig sabihin, isa lang din ang pwede mong mahalin. Na sa isang tao mo lang pwedeng ialay ang sarili mo, ang buong pagmamahal mo.
Minsan talaga yung ganitong sitwasyon ay nakakalito at nakakahilo. Hindi mo kasi alam kung sinong dapat na piliin mo. Yung pakiramdam na manghihinayang ka kapag hindi mo sila parehong piniling dalawa. Kasi nga, gaya ng sinabi ko kanina, may gusto ka sa isa na wala dun sa isa. Pero, ‘You can’t have the best of both worlds’ ‘ika nga nila. Hindi naman lahat, pwede mong makuha. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon, swerte ka. Wala din namang taong perpekto kaya hindi pwedeng lahat ng gusto mo ay nasa sa kanya na. Pero ano na nga bang gagawin mo? Piliin yung isa kahit alam mong labag sa kalooban mong hindi pwede silang dalawa?
Eh kung wala ka namang pipiliin sa kanila, sa tingin mo ba naging patas ka? Ang paggawa ng desisyon ay ang masasabi kong isang bagay na napakahirap naman talagang gawin. Minsan kasi andun yung iniisip mo kung tama ba ang magiging desisyon mo sa bandang huli. Tayo kasi yung tipong, takot masaktan, takot magsisi, takot magkamali. Kaya hangga’t maaari, ingat na ingat tayo sa mga gagawin natin, sa mga pipiliin natin, na sa tingin kong tama naman talaga. Na minsan sa buhay natin, hindi masamang piliin kung alin yung sa tingin mong tama. Yung sa tingin mong pwede, yung sa tingin mong nararapat para sa’yo.
Ngayon, kung dumating ka man sa puntong naramdaman mong dalawa nga talaga ang mahal mo, siguro mabuting timbangin mo muna sila pareho. Oo nga’t masasabi mong pareho mo silang gusto pero sigurado akong may mas aangat pa rin sa kanilang nag-iisa para sa’yo. Hindi pwedeng sa kadahilanang gusto mo sila ay sila na kagad na dalawa ang pipiliin mo. Ang isa ay para lamang sa isa, hindi sa dalawa o higit pa. Kung titimbangin mo lang talaga kung ano mas mahalaga para sa’yo, alam kong makakapili ka kahit labag man ito sa kalooban mo. Kasi, kahit balibaliktarin mo man ang mundo, nakakasiguro akong isa lang sa kanila ang gusto mo at yung isa ay kailangan mo nang bitiwan dahil hindi siya para sa’yo.





