Bakit nga ba minsan, may mga bagay o tao na kahit nasa harapan mo na, hindi mo pa rin makuha? ‘Yon bang aabutin mo na lang, kukunin mo na lang para mapasa’yo, pero hindi mo pa rin magawa. Na para bang may isang puwersang pumipigil sa’yo para gawin ito. Sadyang madaya talaga minsan ang mundo hindi ba? Sabi nga nila, ‘Life is unfair.’ Paano ba naman, lahat na ginawa mo, lahat na ibinigay mo, pero sa bandang huli, hindi pa rin pala ito ang nararapat talaga para sa’yo. Andyan ‘yong halos i-asa mo na ang lahat sa kanya, o ‘yon bang ibuhos mo na lahat ng oras at panahon mo para sa taong ‘yon, pero sadyang hindi talaga siya ang para sa’yo. Hindi ba’t may ganito tayong ugali, ‘yong pakiramdam natin, ‘Siya’ na. Pero malalaman mo na lang na, hindi pa rin pala. Nakakadismaya, nakakapanghinayang, sayang.
Sa sitwasyon ko, oo, halos abot-kamay ko na ang taong ito. Hindi nga lang siya nasa harap ko, nasa gilid at nasa likod ko pa. Pero sa sitwasyon kong ito, ako ‘yong may problema. Hindi ko kasi siya nakita. 2 taon akong naging bulag sa katotohanang, may tao na palang nagmamahal sa’kin ng tunay, pero ‘eto ako, sa malayo pa rin nakatingin. Sa iba pa rin nakabaling ang aking paningin. Ang tagal ko palang nagpakatanga, ang tagal kong naging gago sa katotohanang, bakit ko pa kinailangang maghanap ng iba, samantalang kung tutuusin, matagal ko na pala siyang nahanap at kasama. Sa puntong ‘yon, siya ‘yong nasa sitwasyon sa tinutukoy ko sa sulat na ito. ‘Yong bakit nga ba minsan, may mga taong nasa harap mo na, pero hindi mo pa rin makuha. Siguro, alam din naman niya talaga na sa mga oras na ‘yon, hindi lahat ng gusto mo ay pwede mong makuha. Natiis niya ‘yon, sinubukan niyang maghintay. Pero lahat naman natatapos, lahat ng tao napapagod. Lahat nagsasawa, lahat nagbabago. Hanggang sa dumating na sa puntong kinatatakutan ko, ‘yong oras na ma-realize kong kailangan at mahal ko pala talaga, nasaan na nga ba siya?
Sa mga oras na ‘to, masasabi kong baliktad na ang sitwasyon. Siya naman ‘yong nasa harapan ko, at siya naman ‘yong hindi ko na makuha. Ang masakit pa dito, nakikita ko na siyang nakangiti at masaya sa piling ng iba. Ako na ang nakakaranas ng isang sitwasyong minsan kong ipinaramdam sa kanya. Kung pwede nga lang ibalik at ulitin ang nakaraan, mga hiling kong alam kong hindi naman pwedeng mangyari at matupad. Oo, sa loob ng 2 taon, ngayon lang ako naging sigurado sa nararamdaman ko para sa kanya, ngayon lang. Ngayon, kung kailan alam kong huli na ang lahat. Sadyang mabilis talaga ang karma, at sadyang madaya nga talaga ang mundo at ang pag-ibig. Naisip ko, hangga’t sa naririyan pa ang isang tao, at kung alam mo naman sa sarili mo kung ano talaga ang tunay mong nararamdaman para sa kanya, gawin mo ang lahat para lang makuha at mapasa’yo siya. Oo, talagang may mga bagay at tao na kahit alam mong nasa harapan mo at abot-kamay mo na, sadyang minsan ay hindi mo pa rin talaga ito makukuha. Pero hindi mo ba naisip na kahit hindi mo man siya makuha, ano ba naman ‘yong kahit papaano may ginawa ka para patunayan mong mahal mo siya hindi ba?
TAGGED AS: rain rants Bakit nga ba may mga bagay na kahit nasa harapan mo na hindi mo pa rin ito makuha?





