Sabihin na nating maganda ang magiging pagtatapos ng 2011 ko. Isa sa mga hiling ko ay sana, bago man lang magtapos ang taong ito ay muli akong magkatrabaho. Hindi man ako makabalik sa FEU bilang isang guro ay makahanap man lang ako ng kahit anong trabaho. Pero na-realize ko, paano nga ba matutupad ang hiling kong magkatrabaho ulit kung wala naman akong ginagawa para magkaroon ako nito. Sa totoo lang, takot kasi akong mag-isa. Takot akong maghanap ng trabaho. Sabihin na nating sinuwerte lang ako noon kaya nakapagtrabaho ako kaagad sa isang pampublikong ospital at naging guro ako sa FEU. Kusang ibinigay nila sa’kin kasi ang mga trabahong ‘yon at maluwag sa puso kong tinanggap ang mga ito. Matapos ang dalawang taon, nilisan ko ang pampublikong ospital na ‘yon at nanatili na lang ako bilang isang guro sa FEU. Pero hindi sa lahat ng oras swerte tayo. Hindi rin naman palaging maraming estudyante ang nagkakagusto sa kursong Nursing hindi ba? Habang tumatagal, kumokonti ito. Maraming guro, kakaunting estudyante. ‘Yan ang mga masasabi kong problemang kinaharap ko kaya pansamantala akong nawalan ng trabaho.
Sino nga bang pipiliin ng mga nakakataas, syempre, ‘yong mga mas nakakatanda at mas matagal nang may karanasan sa pagtuturo. Ano ba naman ang laban ng isang 3 taon palang sa larangan na ito na katulad ko hindi ba? Tapos, ako pa ang pinakabata sa kanilang lahat. Sa loob ng 2 semester, nawalan ako ng trabaho. Mahirap, sa totoo lang. Oo, alam kong kaya pa naman akong buhayin ng pamilya ko pero kahit ganun man, nakakahiya pa rin. Iba pa rin noong kumikita ako. Sa umpisa, okay lang. Sabi ko na lang sa sarili ko, ‘Pahinga muna ako, matagal-tagal na rin naman akong nagtratrabaho.’ Pero habang tumatagal, hindi pala masaya. Lalo pa’t sa edad kong ito, dapat kasi, ako na mismo ang kumikita ng pera para sa sarili ko at hindi ako dapat umaasa sa kung kani-kanino. Naisip ko na ngang maghanap ng ibang trabaho pero natakot ako. Sa loob ng walong buwan, naging taong bahay ulit ako. Walang ginagawa sa buhay, walang patutunguhan, walang direksyon. Minsan nga, dumadating na ako sa puntong wala nang kwenta ang tingin ko sa sarili ko. OA man pakinggan, pero kung kayo ang nasa kalagayan ko, ito rin ang mararamdaman niyo.
Hanggang sa magbukas ulit para sa’kin ang isang oportunidad. Muli akong nakabalik sa FEU bilang isang guro. Noong una, medyo may pag-aalinlangan, pero sinabi ko sa sarili ko, ‘Kakayanin ko ito.’ Sa totoo lang, nahihirapan kasi akong mag-adjust kapag pabago-bago ng konsepto ang itinuturo mo. Kailangan mo ulit mag-aral, in short, kailangan mo ulit mag-umpisa. Masaya ako, kasi gusto ko ang gagawin ko. Kahit nakakapagod magturo, kahit mahirap, basta makita mo lang ‘yong mga estudyante mong natututo at naa-appreciate ‘yong mga ginagawa mo para sa kanila, nawawala lahat ng hirap na nararamdaman ko. Masasabi kong maganda ang magiging pagtatapos ng 2011 ko at maganda rin ang pagpasok ng 2012 ko. Pagpasok palang ng taon, may trabaho na ako. Nilulubos ko na nga lahat ng mga ginagawa ko ngayon habang wala pa akong trabaho. Kasi sa isang taon, paniguradong busy na naman ako. Busy pero masaya. Busy pero at least gusto ko ‘yong mga ginagawa ko. Busy sa paraang nasa-satisfy ko ang sarili ko. Busy sa paraang nakakatulong ako hindi lang sa sarili ko pati na rin sa ibang tao.





