Minsan talaga, may isang tao kang babalik-balikan makakita ka man ng iba. Isang taong alam mong magpapasaya sa’yo, na magpapagaan ng pakiramdam mo, na mamahalin mo. Kahit na alam mong hindi naman pwedeng maging kayo. Ganito tayo minsan, ‘yon bang itatatak natin sa sarili natin na kailangan nating kalimutan na ang nararamdaman natin para sa taong ‘yon, na kailangan na nating humanap ng iba, sa kadahilanang hindi nga nila masusuklian ang pagmamahal na ibinibigay natin sa kanila, pero bakit parang hindi natin kaya? Hindi natin magawa o simpleng ayaw lang talaga nating gawin. ‘Yon bang masasabi na lang natin sa mga sarili natin, ‘Siya pa rin.’ Ganun talaga siguro minsan, may mga pakiramdam na mahirap kalimutan, na mahirap bitawan, na mahirap ayawan. Lalo na kung alam mo na sobra-sobrang naging mahalaga at malaking parte ng buhay mo ang taong ‘yon, kahit na para sa kanya ay maliit na bahagi ka lang ng buhay niya.
Sabihin na nating, minsan, ganito ako. Ang hirap naman kasi talagang bitawan na lang basta-basta ang isang tao, lalo na’t alam mong napasaya ka niya. Sayang hindi mo pwedeng makita sa iba o hindi mo pa nakikita sa iba. Kaya’t sino nga bang babalik-balikan mo sa bandang huli? Hindi ba’t siya pa rin kahit alam mong hanggang doon na lang talaga. May mga bagay talaga na hindi pwedeng ipilit, katulad na lang ng pagmamahal. Kaya ikaw, isinasarili mo na lang ang nararamdaman mo. ‘Yon bang saloob-loob mo, ‘Mamahalin kita kahit ako lang ang nakakaalam.’ ‘Yon bang kahit alam mo sa sarili mong hanggang sa pagiging magkaibigan na lang talaga at hindi naman sa umaasa ka, pero alam mong ‘Siya’ pa rin talaga at wala nang iba. Sadyang mahirap lang talagang lumimot ng isang tao kung malaki ang naging impact niya sa buhay mo. Oo, aaminin ko, ito ang nararamdaman ko sa ngayon. Marami mang makita ang mga mata ko, marami mang dumating sa buhay ko, pero may isang bahagi pa rin sa’kin na sa tuwing mag-isa ako, sinasabi ko sa sarili ko, ‘Siya pa rin talaga.’
Oo, ‘Siya pa rin talaga.’, mga salitang hindi mo mapipigilan na masabi sa sarili mo, kung alam mong siya pa rin ang gusto mo at wala nang iba. At hindi naman sa pagkukumpara, pero hindi mo talaga maiiwasan na masabi ito sa sarili mo minsan. Lalo pa’t kung alam mong may mga katangian siya na wala sa iba. ‘Yon bang sa kanya mo lang nakita, sa kanya mo lang naramdaman. Pero sabi nga nila, ‘You can’t have the best of both worlds.’ Hindi naman pwedeng makita mo sa lahat ang hinahanap mo, hindi naman pare-pareho ang tao. Lahat tayo, alam kong dumating na sa puntong ganito. Na kahit konti, umaasa na sana magkaroon pa rin ng kaunting chance kahit pa minsan, alam mong masaya na siya sa piling ng iba. Sadyang magulo talaga minsan ang pag-ibig, ‘no? Hindi mo naman kasi pwedeng turuan ang puso kung sino ang dapat niyang magustuhan at mahalin. Kusang titibok ito sa taong alam niyang nararapat para sa’yo. Ang masakit lang nga talaga minsan, ay ‘yong tumibok ito sa maling oras, lugar, panahon, at pagkakataon. Ang nangyari tuloy, kahit na may dumating nang bago, hindi mo pa rin maiwasang hanapin ang taong nakaraan na sa buhay mo sa kadahilanang siya pa rin talaga ang gusto mo.
Ang hirap pumasok sa isang sitwasyon na kahit alam mong may dumating ng iba, sadyang minsan, hindi mo pa rin mapigilang sabihin ang ‘Siya pa rin talaga.’, pero itinatago mo na lang sa sarili mo dahil nga ayaw mong makasakit ng iba.
TAGGED AS: rain rants Sa puntong masabi mo sa sarili mong 'Siya pa rin talaga.'





