Ang hirap. Sana, kung gaano kadaling mahulog at ma-in love sa isang tao ay ganun din kadali na magustuhan din nila tayo pabalik. Ako pa naman ‘yong tipong madaling mahulog, madaling ma-in love. Kaya ‘eto tuloy ako, palaging talunan, palaging luhaan. Ang nakakainis lang, kahit paulit-ulit nang nangyayari sa’kin ‘yon, hindi pa rin ako natututo. Pasaway pa rin ako pagdating sa pagpili ng magugustuhan at mamahalin na tao. Kung kanino titibok ang puso ko, doon ako. Sabi nga nila, ‘Always follow your heart, but listen to what your mind is saying.’ Pero sa kaso ko, mukhang puso ko lang ang palagi kong pinakikinggan. Ang palagi kong pinapaboran. Nakakalimutan kong may utak nga pala ako na kailangan kong hingian din ng advice kahit papaano. Pero kasi, ang love naman, mahirap pigilan. Mahirap hadlangan. Na kahit alam mong isa ito doon sa mga sinasabi nilang, ‘We had the right love at the wrong time’, sige lang. Love nga naman kasi, masarap sa pakiramdam. Kahit sa umpisa palang naman, alam mo nang masasaktan ka rin sa bandang huli. Sabi nila, kaya daw na sa itaas ng puso ang utak, kasi siya pa rin ang mas may alam sa mga dapat mong gawin na desisyon. Kung tutuusin, palagi namang salungat ang sinasabi ng puso at utak natin. Pero sino nga bang nakakaalam kung alin ang tama o mali sa dalawa? At the end of the day, choice pa rin naman natin ang mahalaga, ‘di ba?

Ang gulo. Alin nga ba sa dalawa ang dapat sundin? Sa totoo lang, kahit ano naman pwede. Piliin mo ‘yong alam mong hindi ka magsisisi sa bandang huli. ‘Yong magiging masaya ka. ‘Yong magiging kuntento at kumpleto ka. Sabihin na nating, pagdating sa love, I’m always a ‘heart’ person. Mas pinakikinggan ko kung ano ‘yong sinasabi ng puso ko. Syempre, kahit papaano, may konting naiaambag pa rin naman ‘yong utak ko. Pero puso ko pa rin ang nananaig. Ako kasi ‘yong tipong risk-taker pagdating sa love. ‘Bahala na kung masaktan man ako.’, basta ang mahalaga, nagmamahal ako. May mga times na successful, pero parang mas maraming beses na nasaktan ako. Mas maraming beses na umiyak ako, nalungkot, na-depress, at naramdaman kong mag-isa ako. Pero ang tanong pa rin naman sa bandang huli ay kung pinagsisisihan ko ba ngayon ang mga desisyon na pinili ko? Hindi. Oo, sabihin na nating nasaktan ako, pero naging masaya pa rin naman ako kahit papaano. Alam niyo ‘yong kahit ganun ang nangyari, sa loob-loob niyo ay meron pa rin kayong contentment at completeness na nararamdaman. Katulad ngayon, I like someone at alam kong I can’t be with that person. Pero kasi ‘di ba sabi nila, love is never selfish. At parte ng pagmamahal sa isang tao ay ang pagiging masaya para sa kanila kung sakaling mang nakalaan na siya sa iba at hindi ito ang oras niyo para sa isa’t isa. Martyr? I don’t think so. Sabihin na nating, alam ko lang kung paano magmahal ng totoo.

Kumplikado. Falling in love is easy, pero tayong mga tao lang ang nagpapagulo at nagpapakumplikado dito. Ang daling ma-fall, magkagusto, o ma-in love sa isang tao. Pero kapag nagsanga-sanga na, doon na mag-uumpisa ang gulo. Kapag marami nang nakikisali at nakikisawsaw. I do like someone right now, pero mas pipiliin ko na lang na itago ito kesa ang sabihin pa sa kanya nag nararamdaman ko. ‘Yong tipong kuntento na ako sa mga simpleng pag-uusap, mga times na magkasama kami, sa mga pasimpleng tingin. Okay na ako doon sa ‘kilig’ na pwede kong maramdaman sa tuwing andiyan siya. Pero kahit ganun, there’s this part inside me na naghahangad pa rin naman ng mas higit pa sa mga ‘yon. Lahat naman tayo siguro, pinapangarap ang isang relasyon na simple at tahimik lang, hindi ba? ‘Yong malayo sa gulo, sa isyu. ‘Yong masaya na kayo sa isa’t isa at hindi na mahalaga kung anuman ang sasabihin pa ng iba. Well, pangarap ko rin ‘yon. Kaya lang, mukha atang mangangarap na lang ako. Ang tagal ko na siyang hinhintay and at the same time, hinahanap. Siguro na-traffic, nag-stop over, napagod, tinamad, nagsawa? Ang nakakatawa pa nga dito, may mga dumating na inakala kong sila na, pero sa bandang huli, hindi pa rin pala. Ang daya lang minsan ng pag-ibig, ‘no? Kung kailan alam mo sa sarili mong handa ka, doon ka pa susubukan. Doon ka pa paghihintayin, doon ka pa paaasahin. Alam mo, kung nasaan ka man, dalian mo na. Anong petsa na? Na dapat sana ngayon, minamahal na kita.

Ang hirap naman ma-in love sa’yo. Ang hirap. Ang gulo. Kumplikado.

Ang daya. Lahat naman tayo siguro, isa sa mga hiling natin ay ‘yong makahanap tayo ng isang taong mamahalin natin at mamahalin din tayo pabalik. Kung tutuusin nga siguro, nagawa mo na ‘to sa lahat ng pwedeng hilingan. Wishing well, falling star, comet, mga santo’t santa, etc., at kahit kay God pa. Pero minsan, hindi naman lahat ng hinihiling natin ay pwedeng matupad. Na kahit paulit-ulit pa nating gawin ito, kung hindi talaga para sa’tin ito sa ngayon, hindi pa rin natin ito makukuha. There’s always a right time for everything, sabi nga nila. Pero bakit kaya ganun? Sa sitwasyon ko, palaging ‘yong taong mamahalin lang ‘yong ipinagkakaloob sa’kin, ‘yong nahahanap ko. Pero ‘yong thought na pwede niya rin akong mahalin pabalik, hindi natutupad, hindi nangyayari. Lahat din naman tayo, gusto lang sumaya, gustong maging masaya. Oo, happiness can be found sa maraming bagay, at hindi lang naman ‘yon ang ‘happiness’ na kailangan natin. Kaya lang, sa tuwing mag-isa na lang ako, hindi ko pa rin mapigilan ‘yong sarili ko na maramdaman na para bang nag-iisa ako. Na may kulang pa rin sa buhay ko kahit papaano. Kulang in the sense na parang hindi buo ‘yong puso ko. Oo nga pala, wala pa kasi ‘yong taong kukumpleto dito. 

Ang gulo. Oo, may mga darating, pero hindi pa rin sila talaga ‘yong para sa’kin. Alam niyo ‘yong, stop over lang pala, at hindi pa sila talaga ‘yong destination mo. Siguro, lahat naman tayo ay pare-pareho sa mga nami-meet nating mga tao. Mga taong mamahalin mo at aakalain mong magmamahal rin sa’yo. Andyan ‘yong taong single, pero sadyang hindi lang ikaw ‘yong tipo. Napapatanong tuloy ako sa sarili ko, ‘Hindi pa ba talaga ako sapat?’ Ganun talaga, hindi mo naman pwedeng ipilit ang sarili mo sa isang tao, kung hindi ka naman talaga niya gusto. Mayroon din namang taong single, pero may gustong iba. ‘Ano nga bang wala sa’kin na mayroon sa kanya, para siya ang magustuhan niya?’, tanong ko ‘yan sa sarili ko sa tuwing magkakagusto ako sa ganitong tao. Minsan na rin akong naka-encounter ng taong takot at hindi pa handa sa commitment at sa pakikipagrelasyon. Kailangan ko ba talagang hintayin ‘yong panahon na magiging ready ka na para sa’kin? Gaano katagal? Hanggang kailan? Nakakapagod, nakakasawa. Lalo pa’t hindi mo sigurado kung may hinihintay ka nga ba o wala. Nagkagusto na rin ako sa taken o ‘yon bang ‘In a relationship’ na. Ang hirap ng ganito, kasi sa umpisa palang alam mong talo ka na, lalo pa kung matagal na sila. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, hindi ko rin alam kung anong kalulugaran ko. Ayaw naman natin sigurong matawag na homewrecker o 3rd party, ‘di ba? Mas mabuti na rin ‘yong wala kang kahati. ‘Yong alam mong sa kanya ka, at siya’y iyong-iyo.

Nakakagago. Pero wala na siguro pang mas hihirap pa sa magkagusto ka sa isang kaibigan. Alam naman nating lahat na minsan, ‘feelings’ ang nagiging dahilan para masira ang lahat sa inyo. Ako, as much as possible, ayoko sana. Pero minsan, wala rin akong magawa. Hindi ko mapigilan, kaya ‘eto ako, palaging talo. Sabi nila, kaibigan ang pinakamainam na mahalin. Bestfriend pa nga daw dapat kung tutuusin. Oo, hindi naman talaga masamang magkagusto o ma-in love sa isang kaibigan. Pero kapag naiisip ko na baka ang nararamdaman kong ito ang maging dahilan para magkasira kami, mas mabuti pa sigurong, ‘wag na lang. Ang hirap, sa totoo lang. Kaya minsan, isinusuko ko na lang. Sinasabi ko sa sarili kong, ‘Ayoko nito.’ Kaya lang, wala naman akong magawa. ‘Feelings’ ‘yan eh, hintayin na lang nating mawala. Lahat naman tayo, gusto lang maging masaya. ‘Yong makuha natin ‘yong sense of fulfillment sa mga puso natin. Lahat din naman tayo, gusto lang na mahalin din tayo pabalik ng mga taong gusto at minamahal natin. Pero oo nga pala, ‘yong mga ganitong bagay, hindi dapat minamadali. At hindi rin naman ito basta-basta natutupad sa paghiling mo sa kung ano-anong mga bagay. Kung talagang para sa’yo na ‘yon, ibibigay ‘yon sa’yo. Tama naman sila. Oo, ‘yon ang sabi nila. Pero ako, naiisip ko, kailan kaya darating ‘yong oras ko? Kailan kaya matutupad ‘yong mga hiling ko? Kailan kaya darating ‘yong panahon na kapag nagmahal ako, hindi na ako magkakamali ulit, kasi mamahalin na rin niya ako pabalik? 

Ang hirap namang ma-in love sa’yo. Ang daya. Ang gulo. Nakakagago.

Nakakainis. Minsan, nagiging hadlang talaga ‘yong nararamdaman natin para sa isang tao. You want to continue with your life, pero wala kang magawa kasi pinipigilan ka nito. Ewan ko ba, ako lang naman siguro ‘yong ganito. Inaayawan ko minsan ang nararamdaman ko para sa isang tao. Hindi naman sa ayaw ko talaga, it’s just that, alam kong masasaktan lang naman din ako. Masarap ma-in love, masarap maramdamang in love ka, pero kung iisipin mong walang namang patutunguhan ito, gugustuhin mo pa rin bang ma-in love talaga sa taong ‘yon? Hindi ko alam kung bakit napaka-unfair minsan ng pag-ibig. ‘Yong gusto mo, ayaw sa’yo, ‘yong may gusto naman sa’yo, ayaw mo. Choosy na kung choosy, pero pansariling kaligayahan kasi ‘yong nakataya dito. Ikaw ba, pipiliin mo ang isang tao kung alam mong hindi ka naman magiging maligaya sa kanya? At isa pa, hindi natuturuan ang puso, hindi mo rin pwedeng matutunan na mahalin ang isang tao. Hindi mo pwedeng sabihin kung sino ang dapat mong mahalin sa hindi. Kusang titibok ito, kahit pa sa isang taong hindi nararapat para sa’yo. Ang hirap intindihin, masyadong magulo at kumplikado.

Kumplikado. Sa totoo lang, simple lang naman ang pag-ibig, madaling magmahal. Pero sadyang tayo lang na mga tao ang nagpapagulo at nagpapakumplikado dito. Madaling magmahal, pero mahirap ang mahalin pabalik. Madaling magmahal, pero mahirap hanapin ‘yong taong magmamahal rin sa’yo sa paraang gusto mo. For the past few days, ang dami-dami kong iniisip. ‘Bakit siya pa?’, ‘Bakit ngayon pa?’, ‘Wala na bang iba?’ and so on and so forth. Gusto ko siya, pero ayaw kong mas mahulog pa sa kanya. Dahil alam ko, na sa oras na mas mahulog pa ako, hindi na ako makakaahon pa ulit. Hindi naman niya kasi ako masasalo. So I have to stand up on my own. Walang tutulong sa’kin, kundi sarili ko lang, kundi ako lang. At pagod na ako. Pagod na akong ibangon ‘yong sarili ko sa tuwing mahuhulog ako nang wala namang sasalo. Alam mo ‘yong kakabuo ko lang, tapos ‘eto na naman ako, pagkabagsak, durog-durog na naman uli. Why do we have to fall for someone kahit alam nating wala naman tayong pag-asa? Na walang mangyayari at walang patutunguhan ito? Kung pwede nga lang talagang ‘wag nang magmahal, ‘yong hindi mo na maramdaman ito. Kaya lang, love is that one feeling na hindi mo naman pwedeng pigilan. Oo, love is that one feeling na gustong-gusto nating maramdaman, pero nakakapagod nang masaktan. Kung pwede lang sabihing, ‘Tama na.’ Nakakagago.

Nakakagago. Ano nga bang dapat kong gawin sa nangyayari sa’kin ngayon? Gusto ko ‘yong tao, pero ayaw ko sa nararamdaman ko. Pero naisip ko, hindi naman talaga ‘yong tao at ‘yong nararamdaman ko ang ayaw ko, kundi ‘yong sitwasyon. ‘Yong oras at panahon. Ang hirap magsalita, ang hirap sabihin ang totoo. Kaya tuloy, ‘eto ako nanahimik, nagtatago. Umiiwas, lumalayo. It’s the only way, an escape. But there are things na hindi mo pwedeng takbuhan, hindi mo pwedeng pagtaguan. It’ll haunt you, hanggang sa dumating ka puntong aaminin mo na lang ‘yong totoo. Pero para sa’kin ngayon, ito lang ‘yong alam kong paraan. Ayoko munang makita siya, ayoko munang makasama siya, ayokong mas masanay pang andiyan siya. Alam ko kasing aalis din naman siya. People do come and go. Ayokong masanay sa mga bagay na alam kong pwede namang wala sa buhay ko. Pero bakit ang hirap para sa’kin ang pakawalan siya? Alam niyo ba ‘yong pakiramdam na, sinasabi niyo sa sarili niyong, ‘Wala naman siya dati, kaya kaya ko pa rin kahit mawala siya ngayon.’ May mga bagay talagang mahirap ipaliwanag. Minsan, hahayaan na lang natin, kahit hindi na natin makuha ‘yong mga sagot na kailangan natin. Ano ba naman ‘to? Ayaw kong kainin ng nararamdaman ko para sa’yo. Kailangan kong pigilian pero ang masama, hindi ko mapigilan. Ano bang ginawa mo sa’kin? Nakakainis.

Ang hirap ma-in love sa’yo.

Nakakagago. ‘Eto ako, unti-unti nang nilalamon ng nararamdaman ko para sa’yo. Hindi na ako makatakbo, hindi na ako makatakas, hindi na ako makapagtago. Hulog na hulog na ako, kahit alam kong hindi mo naman ako masasalo. Ano pa nga bang magagawa ko? Masaya ka sa kanya, samantalang ako, nagpapakagago sa’yo. Mahal mo siya, mahal ka niya, pero paano naman ako? Oo nga pala, ‘no? Ang pag-ibig ay para sa dalawang tao. Para sa dalawa, hindi para sa isa, hindi rin para sa tatlo. Hindi ko maintindihan kung bakit ikaw pa, kung pwede namang sa iba, sa iba na hindi ko na kailangang mahirapan pa. Naiipon, napupuno, gusto nang sumabog nitong dibdib ko. Naisip ko lang, bakit nga ba minsan, hindi natin maiwasang magkagusto o mahulog sa mga taong in a relationship na. Na kahit alam na natin sa umpisa palang na wala na talagang pag-asa, ay ‘eto pa rin tayo at umaasa. Naghihintay, nagbabakasakali. Pero sa sitwasyon ko ngayon, wala na akong makitang pag-asa kahit konti. Kapag nakikita ko sila, para bang, ginawa talaga sila para sa isa’t isa. They complement each other. Ang hirap namang ng ganito, nakakalito.

Nakakalito, hindi ko na alam kung anong pipiliin ko. There’s a part in me na nagsasabing kahit man lang sabihin ko sa kanya ang nararamdaman ko. Sasabihin ko at hindi aasang may makukuha ako. Gagawin ko lang ito para mas makahinga ako. Pero may parte rin na nagsasabing, itago ko na lang ito. Hahayaan ko na lang ba ang sarili kong magpasakop sa nararamdaman ko para sa’yo? Ang hirap pa namang magdesisyon, lalo pa’t alam mo sa sarili mong pwede mong panghinayangan ang gagawin mo, ang pipiliin mo. I’m torn between the two. Gusto kong sabihin sa kanya ang totoo, pero gusto ko na lang itago at ibaon na lang ito. Sa bawat desisyon na gagawin natin, palaging may pros at cons ito, ‘di ba? Kung sasabihin ko sa kanya, ano kayang magiging reaksyon niya? Lalayo’t iiwas kaya siya o dedma? Kung itatago ko man ito sa sarili ko, kaya ko bang pahirapan pa ang sarili ko nang todo? Ang hirap kayang mag-ipon ng isang nararamdaman lalo pa’t gusto mong ipagsigawan ito sa mundo, ‘yon bang gusto mong sabihin ang totoo. Ngayon, saan ba ako? Alin ba ang tama? Alin ba ang dapat? Pero minsan, hindi naman lahat ng tama ay dapat, at hindi naman lahat ng dapat ay tama. Ang hirap naman ng ganito, ang gulo.

Ang gulo. Minsan, hindi rin naman pala talaga effective ‘yong pag-divert ng attention mo sa ibang bagay o sa ibang tao. Habang mas ginagawa mo kasi, mas lalo mo lang pinapalaki ‘yong chance na hanap-hanapin mo pa siya. Kasalanan ko ba kung nasanay man akong andiyan ka? Kasalanan ko ba kung gusto kong palaging kasama ka? Kasalanan ko ba kung gusto kong palaging nakikita at nakakausap ka? Wala namang masama doon, ‘di ba? Hindi masamang magmahal. Hindi rin bawal na mahalin ka. Naging bawal lang kasi, taken ka na. Alam kong aalis ka rin naman at mawawala ka rin naman. At kasabay ng pag-alis mo ay ang paghupa rin ng nararamdaman ko para sa’yo. Pero sa ngayon, gusto ko pa ‘tong nararamdaman ko. Napapasaya mo kasi ako. Napapasaya mo ako, kahit alam kong iba ang nagpapasaya sa’yo. Ang hirap talagang magkagusto sa isang taong hindi mo alam kung ano ka at kung anong lugar mo sa buhay niya. Pero ganun talaga, we love without asking anything in return. Kaya kahit alam kong one-sided love lang ito, na wala akong pag-asa, na hindi niya ako napapansin, at dahil sa in a relationship na siya, it doesn’t matter. Ang mahalaga ay ang nagmahal ako. Pero kung iisipin ko, ang unfair, ‘no? Nakatingin ako sa kanya, samantalang siya, may ka-eye-to-eye na pala. Bakit kasi ngayon ka lang dumating sa buhay ko? Ang hirap ng ganito, nakakagago.

Nagtanong ako sa mga kaibigan ko, at na-realize kong, oo nga pala, ‘no? Wala namang masama kung magkagusto man tayo sa isang taong in a relationship na. Ang masama ay kung gustuhin mo rin na magkagusto siya sa’yo o may gagawin ka para magkagusto rin siya sa’yo pabalik. Normal lang naman siguro ang magkagusto tayo sa kahit sino, kahit pa in a relationship na siya. At wala rin namang nagsasabing masamang magkagusto sa isang taong in a relationship na, basta dapat, alam mo kung hanggang saan lang ang limitasyon mo. Feelings ‘yan, mahirap pigilan, mahirap gawan ng paraan. Ako pa naman ‘yong tipong kapag na-fall sa isang tao, hulog talaga. Minsan, naiisip natin na kapag napasok tayo sa sitwasyong ganito, ay isang pagkakamali na ito kagaad. Pero, kailan nga ba naging mali ang magkagusto sa isang tao? Walang maling tao, nagkataong hindi lang ito ang nakalaang oras at panahon para sa inyo. Kaya lang naiisip ko, talaga nga bang may oras at panahon para sa’ming dalawa? Kung hihintayin ko kaya ‘yon, mangyayari ba? At kung minsan, dumarating din tayo sa puntong iniisip natin, ‘Paano kaya kung ako ang nauna? Paano kaya kung noon ko pa siya nakilala?’

Ang hirap, ang gulo, kumplikado. Ikaw ba naman ang magkagusto sa isang taong hindi pwedeng maging sa’yo. Alam niyo ‘yong pakiramdam na pinagmamasdan niyo sila, habang ikaw, nasasaktan, naiingit, iniisip na sana ikaw na lang ‘siya’. Oo nga, ‘no? Ano nga bang dapat mong gawin sa oras na magkagusto ka sa isang taong may mahal nang iba? Ang bitiwan o ang ipaglaban siya? Kung bibitawan mo siya, cliche. ‘Maging masaya ka na lang para sa kanya.’, ‘Maging masaya ka na lang para sa kanya kahit hindi ka parte ng kasiyahan na ‘yon.’, ‘Kung talagang mahal mo siya, palalayain mo siya.’, at kung ano-ano pang kasabihan patungkol dito. Ang importante para sa’yo ay ang kasiyahan ‘nung taong mahal mo. Pero mahal mo nga, ‘di ba? Paano naman ‘yong ‘ikaw’? ‘Yong pansariling kaligayahan mo, hindi ba mahalaga para sa’yo? Mahal mo ‘yong tao pero hinayaan mo at wala kang magawa. Kung ipaglalaban mo naman, alalahanin mo, bago ka pa magkagusto sa kanya, in a relationship na siya. Mahirap nang tibagin, mahirap nang agawin. Pero, ‘Kung mahal mo talaga ang isang tao, ipaglaban mo.’ Hindi rin naman masamang kahit minsan, unahin mo muna ang sarili mo, ang pansariling kapakanan mo muna. Hindi ba’t kapag mahal mo ang isang tao, gagawin mo ang lahat dahil nga sa mahal mo siya? Gagawin mo ang lahat kahit ano pa ang pagdaanan mo, hindi ba?

Ang gulo, nakakagago. Magkagusto ka sa single, ayaw naman sa’yo. May magkagusto man sa’yo, ayaw mo. Magkagusto ka man sa ibang tao, in a relationship naman. Minsan, hindi ko na alam kung saan nga ba ako dapat lumugar. Kung saan ko nga ba dapat ipuwesto ang sarili ko. Kahit minsan, hindi ko naisip na manira ng isang relasyon. Kasi palaging nasa isip ko na, ‘Kahit modern day na, uso pa rin ang karma.’ Pero kahit ganun, hindi ko rin matanggal sa isip ko ‘yong mga, ‘Paano kung…’, ‘Paano kaya…’, ‘What if…’, mga tanong na gusto kong hanapan ng sagot. Ayaw kong matawag na ‘homewrecker’ o kahit ‘3rd party’, pero anong magagawa ko kung talagang gusto ko siya? Kung talagang mahal ko siya? Hihintayin ko na lang bang may mangyari o dapat bang may gawin ako para may mangyari? Mahal ko ‘yong tao, pero hanggang dito na lang ba talaga ako? Mahal ko ‘yong tao, pero wala akong magawa para mahalin niya rin ako. Mahal ko ‘yong tao pero, sa’kin na lang ‘yon. Mahal ko ‘yong tao pero, kailangan kong maging masaya pa rin kasi masaya siya kahit alam kong hindi ako ‘yong kasama niya. Sa totoo lang, wala naman talagang masama kung magkagusto man tayo sa isang taong in a relationship na. Kaya lang, palaging ganun na lang ba? Sinusubaybayan ko ang love story nila, samantalang ‘yong sa’kin, kailan kaya mag-uumpisa?

Ang hirap magkagusto sa’yo. Ang gulo. Kumplikado. Nakakaulol. Nakakagago.